Hindi ko na
naiintindihan ang sinasabi niya. Basta ang alam ko, noong mga oras na yun, asa
alapaap ang aking diwa. “Congratulations, you've
successfully passed the recruitment process. You’re hired”.
YOU ARE HIRED!!! Marahil, isa sa pinaka masarap na litanyang pwede mong marinig
kasama ng “Oo, tayo na” at “Negative ang pregnancy test” (joke lang). Kaya naman nakatitig ako sa kawalan habang pinapaliwanag
nung babae mula sa HR department ang mga terms and conditions ng kontrata.
Bumalik nalang ang aking ulirat nang pinapirmahan niya ang sandamukal na papel
mula sa brown envelope. Di ko alam kung para sa trabaho parin yun o last will
and testament.
Pagkatapos ng ilang online
tests and assessments (nakaka-urat talaga yung typing test), mga interviews na
susubok sa tatag ng pinahid mong deodorant, sa wakas, isa na akong “technical
support representative”. Oo, call center agent din yun, pero mas mabangis
pakingan. Kung baga sa zoology, scientific name.
Naks. Di na ako tambay. Isa na
akong employed citizen. Maiaahon ko na sa hirap ang aking pamilya. Mapag-aaral
ko na ang kapatid ko. Mabibili ko na lahat ng gusto ko. Makakakain nako sa Jollibee kahit hindi linggo, tuwing pagkatapos mag
simba. Makaka contribute nako sa bayan pamamagitan ng aking buwis. Pwede nakong
magreklamo ukol sa katangahan ng gobyerno. Magtatayo ako ng unyon ng mga
callcenter agents (taga-PUP talaga?). Gagawa ng resolusyon upang maibsan ang
climate change. Ipo-promote ang world peace. Malulunasan ko ang famine sa
Africa. Tatakbo ako at mananalo bilang kauna-unahang “non-american citizen”
president of America (ano daw??) at pwede ko nang ipa-assasinate sa navy seal
si Justine Bieber. Spell, Naive (ay, ayan na pala).
Unang trabaho, unang sabak sa
telepono. Memorable ang pinaka una kong call. Sabi nung customer, ipasa ko
nalang daw sa iba dahil mukhang wala akong ideya sa ginagawa ko. Sweet naman
nya.
3 taon. 4 na employee number.
4 na posing para sa ibat ibang ID ng magkakaibang kumpanya. At kung usapang
stereotypes lang naman, heto sila..
1. Di mo alam ang petsa.
Feeling mo ang mundo ay isang exercise wheel na tinatakbuhan ng alaga mong
hamster. Paikot-ikot. Walang katapusan. Zombie, ika ng iba. Gising, pasok. Uwi,
tulog. Pero babalik din ang ating kamalayan tuwing a-kinse at katapusan.
2. Hirap kang matulog sa
bahay, pero di mo mapigilang mapa-pikit pag asa trabaho. Di ko alam kung dahil
ba sa aircon o ang sarap lang managinip na isang malaking punching bag ang
kupal mong TL, tuwing nakikita mo siya.
3. Ikaw o may kakilala ka, na energy drink na ang dumadaloy sa mga ugat. Cobra sa almusal. Sting sa tanghalian. Extra Joss ang panulak pag
nabubulunan. Lipovitan naman ang nilalagok tuwing umiinom ng biogesic.
4. May kakilala ka din na
laging may bitbit na baso ng starbucks kapag papasok. Siguro, importante talaga
ang kape pag graveyard shift. Pero ang nakapagtataka e, buong araw na niya
itong hawak, at sa paraan na makikita mo ang pangalan niya na nakasulat sa
baso.
5. Alam mo ang mga term na
“pitik” at “hadouken”. At madalas itong masusundan ng pagta-type sa notes ng
“Customer ended the call”.
6. Kahit madalas e demonyo ang
tingin mo sa kanya, gusto mong halikan sa tuwa ang TL mo pagsinabi niyang “Go
on aux 4, coaching tayo”.
7. Pero malulungkot ka ulit,
dahil malalaman mong bagsak lahat ng na-audit mong calls. Tipong, ang nakuha mo
lang ng tama, ayon sa QA, ay opening at closing spiel. Lahat sablay na.
8. Sa lahat ng buttons ng
Avaya, Auto in ang pinaka mahirap pindutin, parang may kung anong pwersa na
pumipigil, parang invisible force field, samantalang Log Out naman ang
bestfriend ng iyong daliri. Lagi rin itong “aksidenteng” napipindot.
9. Nakatangap kana ng perfect
csat survey kahit hindi para saiyo (sabi nung customer , napaka helful daw ni
Jenny. E Brando ang pangalan mo sa phone). Pero nakareceive ka na din ng Dissat
kahit resolved ang issue.
10. Speaking of, kung parang
generic name ng gamot ang pangalan mo, walang problema yan, dahil legal ang pag
gamit ng phone name o alias. Halimbawa, sa totoong buhay, ang pangalan mo ay
Godofredo, sa industriyang ito, ayos lang na mag opening spiel ka ng “Thank you
for calling, my name is Summer”.
11. Naisipan mo nang mag-amok
at sindihan ang smoke detector para magpaulan ng tubig ang mga sprinkler,
tuwing queuing.
12. May kakilala kang
bigla-bigla nalang nagwawala, hinahagis ang headset, hinahambalos ang kanyang
mug, dinudurog ang avaya sa pamamagitan ng paghampas ng keyboard, dahil hindi
alam ng customer kung nasaan ang “start” button.
13. Yung TL mo bigla nalang
nagkakaroon ng meeting, pag nakita ka niyang papalapit, sa pag aakalang Sup
Call na naman ito.
14. Kung may Teachers Pet,
meron ding TL’s Annoying Monkey. Siya yung team mate mo na laging ume-epal at
kadikit lagi ng team leader nyo. Madalas siyang taga-report ng mga late o
overbreak. Lagi din siyang humihirit ng mga helpful tips pag team meeting. Sarap lagyan
ng tattoo sa noo na “Wala akong pakialam”. Joke lang.
15. Dahil immersed tayo sa
konsepto ng tamang “customer service”, madalas kang mag-amok sa mga fast food
chain kapag pakiramdam mo ay “youre not getting your money’s worth”. “Ano to!!
Sabi ko LEG part.. Bakit tuyong BREAST ang binigay mo sakin? Tawagin mo ang
manager!!!”.
16. Meron ka o dumating sa
buhay mo ang point kung saan nag-apply ka ng credit card.
17. May kakilala kang ayaw
tumigil kaka-english kahit sa mga pampublikong lugar o PUVs pero parang tanga na
kating-kati mag Tagalog sa mga English Only Zone ng opisina.
18. Mahirap umisip ng dahilan
kapag na late ka. Dahil walang trapik at imposibleng umattend ka ng PTA meeting
ng anak mo, pag alas dos ng madaling araw.
19. May team mate kang aligaga
sa buhay at walang ibang nais na i-suggest kundi ang mag team building kayo.
“TL: Guys, ano bang magandang action plan para bumaba ang AHT ng team? SIYA:
Team building tayo!!”
20. Mas maangas pa sa CEO ng
kumpanya kung umasta ang mga security guard. Nagulantang ako dati nang minsan
kong tanungin si Manong Guard ng “Saan po dito yung testing area?”, sabay sagot
ng “Im sorry, but you must be aware that this is an *English Only* zone”.
Muntik nakong sumuka ng dugo.
21. Bukod sa crush mo, isa sa
napaka konting bagay na nagpapangiti sayo tuwing shift ay mga “Ghost Calls”.
Kung saan para kang tanga na uulit-ulitin ang opening line, dahil SOP ito.
22. Naranasan mo nang
sapilitang tumawa dahil TL, OM o Shift manager ang nag-joke nung nakasabay mo
siya sa elevator, kahit na sabaw ang kanyang sense of humor.
TL: Anong hayop ang magaling
mag karate? Ikaw: Bwahahahaha!! (halos masuka ka na sa pag-papangap) Ano boss?
TL: E di.. TILAP-YAHHH!! Ikaw: Nyahahahaha!! (gusto mo nang ipitin ang ulo mo
sa pinto ng elevator) Nice one!!
23. Pinasok mo ang
industriyang ito kalakip ang pag-asa ng mabilis na promotion. Oo, nasa
performance mo nakabase ito, pero umamin ka. Pagkatapos ng unang 6 na buwan,
narealize mo na mailap ito parang Halley’s comet.
24. Naranasan mo na ang
sumakay sa isang PUV after shift, kung saan, ikaw lang ang stressed ang aura,
amoy yosi, amoy alak, samantalang lahat ng ibang pasahero ay preskong-presko,
mga amoy downy at blooming dahil papasok palang sila.
25. Sa pag-aakalang napindot
mo ang mute, nag-tatatalak ka ng tagalog habang may call. Huli mo nang nalaman
na naririnig ka ng customer sabay tanong ng “Im sorry, what?”. Pero dahil
maparaan ka, sinagot mo siya ng “oh.. that was a secret passage, written in the
language of Mordor, that must be uttered to hasten your dwindling internet
speed..”.
26. Naranasan mo nang
mag-google ng mga sakit na pwede mong idahilan kapag tatawag ka sa sick hotline
niyo. Mas “uncommon”, mas maganda. Dapat binubuo ito ng 3 o higit pang medical
terms.
27. Poker face lagi ang company
nurse o physician. Hindi sila madaling mapaniwala sa mga nagsasakit-sakitan.
Sanay na sila dyan. Lumang tugtugin kung baga. Pauuwiin ka lang kung naisuka mo
na ang iyong baga o kulay violet na ang iyong buong katawan.
28. Nakauwi na ang lahat
subalit naiwan ka parin sa floor dahil sa customer mong isang oras na
nagpapaturo, pero hindi parin magets, ang sayantipikong proseso ng pag
“copy+paste”.
29. Kung medyo sablay ang
kumpanya, naranasan mo na din ang “hot seating”. Ito yung mala-espanyang
pagsakop sa work station mo ng kung sinong Lucifer, kung offline ang iyong
phone status. Hindi epektibo ang pag-iiwan ng gamit, pagpapaskil ng iyong
larawan sa monitor o paglalagay ng note na “Ang kumuha ng station na to,
tutubuan ng pigsa sa gilagid”.
30. Di tulad ng ibang
propesyon, hindi big deal dito ang AWOL.
Boy A: Asan na si Jayson? Boy B: Nag AWOL na. Boy A: Ah ok. Anong ulam sa
pantry?
31. Ikaw o may kakilala kang buong angas kung maglakad sa recruitment area
kapag merong mga bagong aplikante. Minsan doon pa mismo tatambay kapag break
para ipangalandakan na empleyado na siya. Mas mabisa din kung paiikutin mo ang iyong ID sa leeg na parang hulahoop.
32. Napa-upo kana sa isang work station na puno ng kapalpakan. Kumukurap
ang monitor. Mga duro-durog na chichirya ang nakasingit sa pagitan ng mga keys
ng keyboard. Yung headset naman, its either
mahina, di ka marinig ng customer o nababalot ng sang katutak na scotch tape.
Parang embalido lang.
33. Nakakita kana ng isang
kumag na pasiklab kung magtype ng password sa mga system tools niyo. Ambilis ng
pindot sa keyboard, tulad ng napapanood mo sa mga sci-fi movies. Pero madalas,
password incorrect. Maya-maya, mapapansin mo na isa isa nalang ang pag press
niya ng mga letter. Kinain ang pride. Busog.
34. Automatic na lumalabas sa
bibig mo ang mga phrases na nagpapakita ng sympathy sa customer, kahit na sa
totoong buhay e wala ka namang pakialam kung dumadaan siya sa matinding
pagsubok gaya ng pagbagal ng internet connection o pagkalimot ng email
password.
CX: Bear with me, im such an
idiot when it comes to tech stuff. You: Its ok maam. And im sorry that you’re
an idiot.
35. Halos araw-araw kang
makakarinig ng mga istorya tungkol sa isang bagong kumpanya na mas malaki ang
sahod, mas magandang management at mas magandang facilities. “Balita ko nga eh,
may swimming pool sa ops area nila, at may libre na isang kilong ubas tuwing
pasko”.
36. Aminin mo man o hindi,
namangha ka din sa pintuan ng opisina na kelangan pang i-swipe ang ID mo para
bumukas. “Ay pota.. Magic!!!”.
37. Dahil graveyard shift,
hindi rin mawawala ang mga kwentong kababalaghan sa callcenter industry. Kesyo
dati daw sementeryo ang site na yun o may namatay nang agent sa opisina niyo
dahil aksidente daw nyang nakain ang Avaya at nabulunan.
Ikaw: TL, Biglang na-drop yung
call!! May multo!!!”. TL: Ulol.
38. Meron kang souvenir mula
sa kumpanyang balak ata i-declare na “critical working day” ang bawat petsa sa
kalendaryo. Maaaring mug na may logo ng company. Ballpen na may logo ng
company. Payong na may logo ng company. Burial plan with complimentary lapida
na may logo ng company.
39. Hindi rin mawawala ang
love team. Naks. Tamis sa gitna ng masalimuot na mundo ng queuing. Sabagay,
mahirap din naman kasi ang magkaroon ng matinong relasyon kung hindi callcenter
agent ang jowawers mo. Tipong tinext mo, pero tulog siya. Mga 8 oras na ang
nakalipas bago pa siya makareply. Tapos, ikaw naman ang tulog. Vicious cycle.
40. Langit ang training phase.
Petiks mode. Buddy up lang lagi. Kaso simula na ng impyerno mo paglampas ng
nesting.
Taliwas sa pinagsasabi ng mga
ignoranteng taong tabon, na hindi kailangan ng utak para makapag trabaho sa
isang callcenter, tagisan dito ng talino (kung paano mare-resolve ang issue),
abilidad (na magtransfer), creativity (pagiimbento ng dahilan kung bakit dapat
niyang sisihin ang kanyang anti virus software) at lakas ng loob (sikmurain ang
mga ingles na mura na kadalasan mo lang maririnig sa mga hollywood movies o
kanta ni Kanye West).
Karamihan sa kakilala kong
matatalino, puno ng sense at mababait (kung team mate kita dati, nabasa mo
naman siguro ang mga papuring ito, kailangan ko ng dalawang daang piso, baka
meron ka diyan) ay nakasalamuha ko sa nasabing industriya. At kahit kelan, di
ko malilimutan ang pagkakaibigan at mga karanasan ko mula dito.
Thank you for calling, to
which department would you like to be transferred?