Wednesday, March 8, 2017

KAPIT LANG...

Nakakapagod...totoo. Pero di ka pwede sumuko dahil maraming umaasa sa'yo...nagtitiwala. Di tulad nung bata ka pa na lahat ng bagay ay laro at pwede kang mag-"taym pers" (time first) at ititigil ang lahat. Ngayon, pag sinimulan mo, kailangan tapusin mo. Tatapusin mo na walang madedehado...tatapusin mo na lahat panalo. Masakit lang kasi madami kang sakripisyo: oras mo, pamilya mo, sarili mo. Minsan pag di ka pa maingat, pati kalusugan mo damay. Oo, nakakapagod...nakakapanghina. Pero pag naramdaman mo naman ang suporta ng mga taong nasa likod mo, niyayakap ng pamilya mo ang pinagkaka-abalahan mo, at nirirespeto at hinahangaan ka ng mga kliyente at ka-trabaho mo, oo, NAKAKAPAGOD pero SULIT, hindi ba?!
Wag ka lang SUSUKO, wag panghihinaan ng loob, wag mababagabag.kasi pagkatapos ng bente-kwatro oras, ay isang buong araw na naman ang haharapin mo....panibagong lakas, panibagong talino, panibagong buhay. Hindi aksidente na nandyan ka sa katayuan na yan, sa kompanya na yan at sa posisyon na yan kung di ka DAPAT dyan. At lalo pa, wala ka dyan kung di mo TADHANA na panghawakan yan. Inihanda ka...pinili...pinagkatiwalaan. Sa'yong balikat iniatang yan kasi para sa'yo yan. Inilaan yan ng Poon sa'yo dahil alam nya na kaya mo....na panahon na para kayanin mo.
Natatandaan mo ba nung panahong lahat ay nagdiriwang ng kanilang kalayaan bilang bata samantalang ikaw ay pilit mong ipinaintindi sa sarili mo na wala kang karapatan na gawin yun sapagkat panganay ka at kailangan mong yakapin ang resposibilidad na iniatang sa balikat mo bilang tagapagmana ng lahat ng kakulangan ng iyong ama. At kaakibat pa nun ang mga impit na iyak mo habang itinatago ang bawat latay ng kanyang kamay o di kaya ng kanyang sinturon at sinelas na pinapaalalahanan ka na muli't-muli silang dadampi sa iyo sa bawat pagkakamali mo at kung malilimutan mo ang salita niya na dumadagundong at parating bumabasag ng katahimikan ng musmos mong mundo.
Oo, lumaki ka nga at nagbinata ngunit tila walang nagbago. Muntik-muntikan ka pang di makatungtong ng kolehiyo dahil sabi ng ama mo tumigil ka muna at bigyan mo ng pagkakataong mag-aral ang mga kapatid mo dahil kulang daw . Hindi ba na sa kagustuhan mong mag-aral eh kailangan ka pang mamalimos sa mga Heswita ng pangtustos? 
Nakapag-trabaho ka nga matapos ng bokasyonal mong kurso ngunit ilang taon ka din naging sunud-sunuran, dinaan-daanan, binalewala, minaliit....hindi dahil sa iyong kakayahan kundi dahil lamang sa antas ng edukasyon na iyong naabot na ang tunay na kadahilanan ay nakatago sa isang pagsasakripisyo para ikabubuti ng iyong mga kapatid na ngayon ay may mabubuti nang buhay dahil sa pagpaparaya mo. Gayunpaman, di mo yun inalintana bagkus ikinaligaya pa. Wala yun sa'yo kasi ginawa mo yun dahil gusto mo...dahil di ka pumayag na mauuna kang umangat at maiiwan sila. Ngayon na panahon mo na upang lumipad at tahakin ang langit ng tagumpay, may kalaban ka pa rin: ang hangin -- hangin ng pagsubok at pagbabago, pag-ulan ng puna at batikos, at maaring lamig na madarama mo sa mga taong maiinggit sa ngayo'y naabot mo.
Maging MATATAG ka, kaibigan. Kung alam mo na wala kang tinapakan sa paglipad mo, itutok mo ang tingin mo sa ulap na aabutin mo. Iwasiwas ang iyong bagwis na may pagmamalaki at itulak ang sarili patungo sa himpapawid ng iyong mga pangarap. Ikaw lang ang may taglay ng kapangyarihan na isakatuparan ang iyong mga samo't dasalin. Dahil nasa iyong isip and determinasyon, nasa iyong puso ang katatagan at nasa iyong kamay ang buhay mo't kinabukasan. Sa patnubay ng Poong Maykapal, lahat ay iyong magagampanan.
Nakakapagod. Oo. Pero makikita mo na sulit lahat ng ito. Kapit lang, kaibigan....KAPIT LANG.


Monday, January 23, 2017

"Mga Bubog ng Alaala"

Halos dalawang oras ka nang nakatitig sa 
kawalan. Hindi pala madaling simulan ang 
isang artikulong tungkol sa wakas.
Saan ka nga ba maaaring magsimula?

Sa simula? Naaalala mo pa ba ang simula? 
Hindi na. Gaano man kahiwaga, ang simula ay 
nalilimot, nawawalan ng saysay dahil sa napipintong
katapusan. Makabubuti lamang ang pag-uungkat
sa nakaraan kung may bukas na yayapos sa iyo 
upang pawiin ang pangamba. Dahil kung wala, ang 
tanging magagawa ng simula ay ipaalala ang simula 
ng wakas.

Simulan mo kaya sa dahilan? Hindi rin pwede. 
Ang pinanghahawakan mo lang ay ang sino, ano, 
saan at kailan. Sadyang mailap ang bakit; may mga 
bagay na habang pilit iniintindi ay lalong nagiging
mahirap maunawaan. O baka naman nasa 
harap mo na ang sagot. Ayaw mo lang itong 
paniwalaan kaya’t pilit mong isinasantabi ang tanong na 
bumabagabag sa iyo. Hindi mo masisisi ang iyong sarili.
Mahirap tanggapin na ang mga katotohanang
nagpasaya sa mga araw mo ay maglalaho.

Kung gayon, bakit hindi mo simulan sa ulan? 
Sa ulang hindi mo naman hiniling at dumating 
sa panahong hindi mo inaasahan. Sa ulang 
nagpakita sa iyong maaari kang tumingala sa langit at
tumayo sa gitna ng kalsada, habang 
nilulunod ng mga patak ng tubig ang iyong kasuotan at 
mga gamit.

Tama. Sa ulan. Binago ka ng ulan.

Itinuro sa iyo ng ulan na ang mga tao sa 
buhay mo ay darating at aalis kung kailan nila gusto. 
Wala kang magagawa. Hindi mo sila mapipilit na
manatili. Hindi mo sila mapipigilang lumisan.
Titila ang bawat ulan. Hindi nito sasabihin 
kung kailan, pero mararamdaman mo ang 
paglumanay ng hangin at ang paghawi ng mga ulap.


Ang maiiwan ay ikaw… at isang puwang.

Ang pangungulila ay hindi nag-uugat sa 
paglisan, kundi sa pamamaalam. 
Ang isang taong pinahahalagahan 
mo ay maaaring magpaalam nang 
hindi umaalis, subalit maaari rin siyang 
umalis nang hindi nagpapaalam. 
Paunti-unti. Dahan-dahan. 
Patuloy ang pagtakbo ng buhay sa kanya, 
habang sa iyo, dumarating sa bawat araw ang
kapiraso ng wakas.

Minsan tuloy, naiisip mong mas maigi pang 
matapos na lang ang lahat sa simula. 
Nang sa gayon,walang pinagkatagu-tagong 
text message na kailangang 
burahin, walang mga sandaling 
dapat ibaon sa limot at walang puwang na 
palalalimin ng pangungulila.

Nakakapagod maghintay kung kailan muling
mapupunan ang puwang na tanging ikaw 
ang nakadarama. Mas madali itong pag-ipunan 
ng galit at pagkamuhi.

Pero hindi mo gagawin iyon. Hahayaan mo 
lang na dumaloy sa iyong pisngi ang mga luha at 
kahuli-hulihang patak ng ulan. Alinman ang unang 
maubos, ikaw ay patuloy na tatayo sa gitna ng daan.


Maghihintay. Aasa.

Dahil kahit maging balewala ka na sa isang 
tao, mananatili siyang importante sa iyo…






























Adapted (From A Girl Named Condiang)

Wednesday, January 8, 2014

Paano??

Paano nga ba....
      Sa'yo masasabing,
          "mahal kita!"
Di maubos-maisip...
      Kung paano
           maipadarama...

Kung ang mundo nati'y pinaglayo...
Sa panaginip lamang nagtatagpo...

           Paano...??

Sa t'wing kausap ka
       Di mapigilang
           bumuntung-hininga...
Tuhod ay nanlalambot
       Di alam
           kung paano mag-uumpisa...

Ano nga bang dahilan ng damdaming ito...
At dapat nga bang malaman mo...

           Nguni't Paano...??

Paano nga ba sasabihin na minamahal kita...
Gayong ng dumating ka sa buhay ko,
         Ako'y may syota na...

Paano nga ba sasabihin na ikaw na lang sana...
Ang kapiling ko,
          At di s'ya...

          PAANO??



















Wednesday, May 29, 2013

“Tamang Lito”


“Tamang Lito”

Ni Meloy Aguilar at Yomie Berondo-Tengco


Ilang taon na ba tayo
Na magkaibigan
Mula simula ako
Ang tanging sumbungan
Mga sikreto mo’t prublema, ako ang takbuhan
Walang hindi alam, walang lihiman.

Ano ba itong nadarama?
Ngayon ako ay Lito na
Kung kelan naisip ko’ng lapit ko na
Ang layo pa pala.
Bibigay ba ’ko o hahayaan, hahayaang ganito na lang?
Dapat pa ba akong umasa, o mas mainam na kalimutan ko na.

CHORUS 1
Aa-haa-haa-haa...Eeyeeh...kalimutan ko na
Aa-haa-haa-haa...Eeyeeh...kalimutan ko na ba?

Kung datiý masaya ngayoý ilang na
Sa t’wing siya’y iyong kasama
Lagot na, ako’y may malisya
Tingin ko’y nahuhulog na.
Bibigay ba ’ko o hahayaan, hahayaang ganito na lang?
Dapat pa ba akong umasa, o hayaan na kita sa kanya.

CHORUS 2
Aa-haa-haa-haa...Eeyeeh... hayaan na kita sa kanya
Aa-haa-haa-haa...Eeyeeh... hayaan na ba kita?

Bridge
Mahirap sumugal, pag kaibigan mo ang iyong mahal
Walang katiyakan kung may lulugaran…

Spoken
“Sasabihin ko na ba?
Baka kasi magalit sya, eh!
Ano ba ‘to? Tamang-lito na naman ako!
Hirap naman maging bestfriend mo...
Di na ba le-level up ‘to??”


Bibigay ba ’ko o hahayaan, hahayaang ganito na lang?
Dapat na bang humanap ng iba, o hihintayin kita.

CHORUS 3
Aa-haa-haa-haa...Eeyeeh...o hihintayin kita
Aa-haa-haa-haa...Eeyeeh...may hihintayin pa ba?


                   © meloy.aguilar/yomie.berondo-tengco  [02.2013]



Wednesday, May 8, 2013

KWENTO NG ISANG MAGULANG
















Huwebes ng hapon noon, galing ako sa isang birthday party… pagkatapos tumungga ng dalawang bote ng beer ay nagpaalam na ako…. mukha kasing uulan, ayokong maabutan ng ulan sa daan. Anak ng pitong kamalasan, tumirik ang kotse ko sa daan… no choice kailangan kong bumaba para ayusin ang makina. Sobrang malas talaga at naiwan ko ang gamit ko, nag uumpisa ng pumatak ang ulan… kung bakit kasi hindi agad sinauli ng kumpare ko na nanghiram ang mga gamit ko sa pag-aayos ng kotse. May natanaw akong isang bahay, nagbakasakali akong tumawag… lumabas ang isang matandang lalaki, siguro mga 70 yrs old na…

“ Magandang hapon po ‘tay, nasiraan po kasi ako eh, di ko po nadala ang gamit ko baka po may lyabe kayo ay pliers jan?” ngumiti sya sa akin, maya maya at bumalik at may bitbit na bag at dalawang payong, iniabot sa akin. Sumama pa sya sa akin sa aking kotse… malaki ang deperensya, mukhang tinamaan nga ako ng napakalaking malas. Inaya ako ng matandang magkape muna sa kanila, medyo malamig nga at basa na rin ako ng ulan kaya sumama ako.

Pagpasok namin ng bahay ay nakita ko na hindi maayos iyon… sabi nya pasensya na daw ako kasi nag-iisa sya. Roman daw ang pangalan nya, dating dyipney driver. Umupo ako sa sala, maalikabok yun… pumunta sa kusina ang matanda siguro magtitimpla ng kape, ayoko na sana kasi iika-ika na sya, hindi na masyadong makalakad pero mapilit si mang Roman. Nakita ko sa dingding ang mga nakakwadrong larawan… siguro family picture nila yun, sa ibaba ay picture ng lalaking nakatoga katabi nito ang isang kwadro rin ng babaeng nakatoga din… siguro mga anak nya. Malinis ang mga kwadro, halatang kapupunas pa lang at parang ayaw maalikabukan man lang.

Tama ako, sabi ni mang Roman anak nga daw nya yun. Inilapag nya ang kape, mejo hindi malinis yung mug pero nakakahiya naman kung tatangihan ko at isa pa nilalamig na rin ako at malakas ang ulan, gusto ko ring mainitan ang sikmura.

“ kung gusto mo anak… ano nga ba uli pangalan mo? “ tanong nya sa akin, “ Jun po”, sagot ko naman. “ kung gusto mo Jun eh sayo na lang yang mga gamit ko, wala na rin namang gagamit nyan dito… gamit ko dati yan ng driver pa ako ng dyip pero mahina na ako ngayon Jun, di ko na kaya na magdrive pa uli.”

“ naku wag na po, meron po ako nasa hiraman nga lang kaya di ko nadala, asan po mga anak nyo?” tanong ko

“ Si Danny, Engineer ko yan… may pagmamalaking itinuro ang litrato sa ding-ding… nasa Saudi na ngayon, yan naman babae sa litrato si Juvie yan… nakapag asawa ng taga Davao at doon na nanirahan… yun naman asawa ko limang taon na akong iniwan, nag-iisa na lang ako dito eh… kahit nga mahirap kinakaya ko. Itong bahay na ito kasi ang kaisa-isang ala-ala ko ng aking pamilya, dito ko binuhay ang asawa ko at ang dalawa kong anak. Pinagbili ko na rin yung jeep ko, okay na naman napatapos ko na ang dalawa kong anak at may maganda na silang trabaho, may sarili na rin silang pamilya at bahay, maayos na ang buhay nila”.

“ Hindi po ba sila dumadalaw dito, I mean po… sino pong tumitingin sa iyo dito, mahirap po ang mag-isa lalo na at may edad na kayo?”

“ isang taon na siguro na walang dumadalaw sa akin dito, minsan tumatawag naman sila sa telepono… kahit nga di ko masyado ginagamit yang telepono eh ayaw ko ipaputol ang linya, araw-araw naghihintay ako sa tawag nila… yung kahit boses lang nila masaya na ako, basta maramdaman ko lang na naaalala nila ako. Mababait naman ang mga anak ko, buwan-buwan may natatangap akong pera sa bangko, pero di ko naman ginagalaw… pag-namatay ako kasama yun sa ipapamana ko sa mga apo ko. Yung kapitbahay jan sa kabila, tuwing umaga binibisita nila ako at dinadalhan ng pagkain, nagbibigay na lang ako sa kanila ng konting pera pamalengke”.

“Hindi po ba kayo nahihirapan?”

“ mahirap iho, lalo na pagnakakaramdam ako ng pananakit ng katawan… pero siguro ito ang buhay ko, pag may nasakit sa akin iniisip ko na lang na bunga ito ng walang tigil kong pagtratrabaho noon upang mapatapos ko ang mga anak ko tapos mawawala na ang sakit. Yung ala-ala ng masayang buhay namin noon ang gumagamot sa akin, sana nga lang minsan maalala naman nila akong dalawin dito, gustong-gusto ko na rin silang makita lalo na ang mga apo ko. Masarap siguro yung mga araw na kasama ko sila dito, alam mo ba si pareng kanor jan sa kabila, hindi nya napag-aral ang mga anak nya kaya hanggang ngayon sa kanya pa rin nakatira… kaya lagi nyang kasama yung mga anak nya at mga apo…. Mahirap yung buhay nila, minsan walang trabaho ang mga anak nya… yun ang ayaw kong mangyari sa mga anak ko, gusto ko maayos ang buhay nila… pero alam mo, Masaya si pareng kanor, lagi ko syang naririnig na tumatawa kalaro ang mga apo nya… minsan naiingit ako, iniisip ko na lang na mas masaya ang mga apo ko sa buhay nila ngayon”.

“ paano po pag may sakit kayo, sino po ang tumitingin sa inyo?”

“ kapitbahay jun, sa kanila na rin ako nagpapabili ng gamot… sapanahon na may sakit ako doon ako nakakaisip ng matinding depresyon at pangungulila, sa totoo lang ay nagtatampo ako sa mga anak ko, pagkatapos ko silang mahalin at bigyan ng magandang buhay ay hindi na nila ako naalala na dalawin dito… kahit dalaw lang o tawag sa telepono, yung marinig ko lang na…. o tatay buhay ka pa ba? masaya na ako nun… pero iniisip ko rin na responsibilidad ko na bigyan sila ng magandang buhay at papagtapusin ng pag-aaral at responsibilidad ko rin na maging mabuting ama sa kanila… alam ko hindi na magtatagal at magkakasama na rin kami ng asawa ko, hiling ko lang na sana bago mangyari yun ay makasama ko ang mga anak at apo ko.”

“ ayaw nyo po bang tumira sa kanila?”

“ magiging pabigat lang ako sa kanila, ayaw kong bigyan ng isipin ang ang mga anak ko, dito na lang ako sa lumang bahay namin, bibilangin ang mga patak ng ulan, siguro pagkatapos ng isang libong tag-ulan maalala na rin nila akong dalawin dito. Alam mo bang birthday ko ngayon jun? kaya matyaga akong naghihintay ng tawag nila. Kung hindi naman sila makatawag iisipin ko na lang na siguro ay busy sila sa kanilang buhay… mahirap kumita ngayon at kailangan nilang magtrabaho ng hindi naabala”.

Napalunok ako saa king mga narinig, naawa ako sa kanya…
“ Ikaw Jun, may magulang ka pa ba?

“ Nanay ko na lang po, nasa bukidnon kasama ng isa niyang kapatid.”

“ kailan mo sya huling dinalaw?” tanong nya… hindi ako nakapagsalita, huli akong pumunta sa bukidnon noong pasko… malapit na naman ang pasko hindi pa uli ako nakakapunta doon.

“ sana madalaw mo uli ang iyong magulang Jun, sigurado ako… gustong-gusto ka na nyang makita katulad ng kagustuhan kong makita ang mga anak at apo ko… subukan mo, alam ko magiging maligaya sya”

Tumila na ang ulan, nagpaalam na ako, nagpasalamat… nagpasalamat din sya sa akin, nakita ko sa mga mata nya na talagang sabik sya sa kausap, sabi nya ay magkwentuhan pa kami habang hinihintay ang tawag ng mga anak nya pero dumating na yung hihila sa kotse ko papunta sa talyer. Nangako na lang ako na dadalawin ko sya pag may libreng oras ako.

Dalawang lingo ang dumaan at naisipan ko uling dalawin si mang Roman pero sarado na ang bahay… nagtanong ako sa kapitbahay nila at nalaman ko na namatay na si mang Roman tatlong araw ang nakakalipas, pagkatapos paglamayan ng dalawang araw ay dinala na ng mga anak nya si mang Roman at pina-cremate. Aalis na sana ako pero pinigilan ako ni mang Kanor, iniabot nya sa akin ang isang bag, yun ang bag na pinahiram sa akin ni mang Roman…

“ bilin ni Roman ay ibigay ko raw syo kung sakaling babalik ka, kakailangan mo daw ito sa pagbalik mo sa Bukidnon, baka ka daw masiraan sa daan”.

Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko, ramdam na ramdam ko ang pangungulila ni mang Roman sa kanyang mga anak at apo. Nagdesisyon ako, magfifile ako ng leave… uuwi ako sa Bukidnon para dalawin ang nanay ko, tama si mang Roman tiyak matutuwa yun pag nakita ako.

Mensahe ng isang magulang:
Anak.., kung nasaan ka man sana maalala mo ako
Sana dalawin mo ako kahit minsan lang.
Sabik na akong makasama at makausap kang muli.
Kung may pagkukulang man ako… patawad anak,
Gusto kong malaman mo… mahal kita higit sa pagkakaalam mo...

Adapted ~ Jay Cabedes  ( https://www.facebook.com/photo.php?fbid=4002308274946&set=a.1387223859470.47738.1798284855&type=1&theater )



Saturday, February 9, 2013

PARA SA MGA CALL CENTER AGENTS


Hindi ko na naiintindihan ang sinasabi niya. Basta ang alam ko, noong mga oras na yun, asa alapaap ang aking diwa. “Congratulations, you've successfully passed the recruitment process. You’re hired”.

YOU ARE HIRED!!! Marahil, isa sa pinaka masarap na litanyang pwede mong marinig kasama ng “Oo, tayo na” at “Negative ang pregnancy test”
 (joke lang). Kaya naman nakatitig ako sa kawalan habang pinapaliwanag nung babae mula sa HR department ang mga terms and conditions ng kontrata. Bumalik nalang ang aking ulirat nang pinapirmahan niya ang sandamukal na papel mula sa brown envelope. Di ko alam kung para sa trabaho parin yun o last will and testament.

Pagkatapos ng ilang online tests and assessments (nakaka-urat talaga yung typing test), mga interviews na susubok sa tatag ng pinahid mong deodorant, sa wakas, isa na akong “technical support representative”. Oo, call center agent din yun, pero mas mabangis pakingan. Kung baga sa zoology, scientific name.

Naks. Di na ako tambay. Isa na akong employed citizen. Maiaahon ko na sa hirap ang aking pamilya. Mapag-aaral ko na ang kapatid ko. Mabibili ko na lahat ng gusto ko. Makakakain nako sa Jollibee kahit hindi linggo, tuwing pagkatapos mag simba. Makaka contribute nako sa bayan pamamagitan ng aking buwis. Pwede nakong magreklamo ukol sa katangahan ng gobyerno. Magtatayo ako ng unyon ng mga callcenter agents (taga-PUP talaga?). Gagawa ng resolusyon upang maibsan ang climate change. Ipo-promote ang world peace. Malulunasan ko ang famine sa Africa. Tatakbo ako at mananalo bilang kauna-unahang “non-american citizen” president of America (ano daw??) at pwede ko nang ipa-assasinate sa navy seal si Justine Bieber. Spell, Naive (ay, ayan na pala).

Unang trabaho, unang sabak sa telepono. Memorable ang pinaka una kong call. Sabi nung customer, ipasa ko nalang daw sa iba dahil mukhang wala akong ideya sa ginagawa ko. Sweet naman nya.

3 taon. 4 na employee number. 4 na posing para sa ibat ibang ID ng magkakaibang kumpanya. At kung usapang stereotypes lang naman, heto sila..

1. Di mo alam ang petsa. Feeling mo ang mundo ay isang exercise wheel na tinatakbuhan ng alaga mong hamster. Paikot-ikot. Walang katapusan. Zombie, ika ng iba. Gising, pasok. Uwi, tulog. Pero babalik din ang ating kamalayan tuwing a-kinse at katapusan.

2. Hirap kang matulog sa bahay, pero di mo mapigilang mapa-pikit pag asa trabaho. Di ko alam kung dahil ba sa aircon o ang sarap lang managinip na isang malaking punching bag ang kupal mong TL, tuwing nakikita mo siya.

3. Ikaw o may kakilala ka, na energy drink na ang dumadaloy sa mga ugat. Cobra sa almusal. Sting sa tanghalian. Extra Joss ang panulak pag nabubulunan. Lipovitan naman ang nilalagok tuwing umiinom ng biogesic.

4. May kakilala ka din na laging may bitbit na baso ng starbucks kapag papasok. Siguro, importante talaga ang kape pag graveyard shift. Pero ang nakapagtataka e, buong araw na niya itong hawak, at sa paraan na makikita mo ang pangalan niya na nakasulat sa baso.

5. Alam mo ang mga term na “pitik” at “hadouken”. At madalas itong masusundan ng pagta-type sa notes ng “Customer ended the call”.

6. Kahit madalas e demonyo ang tingin mo sa kanya, gusto mong halikan sa tuwa ang TL mo pagsinabi niyang “Go on aux 4, coaching tayo”.

7. Pero malulungkot ka ulit, dahil malalaman mong bagsak lahat ng na-audit mong calls. Tipong, ang nakuha mo lang ng tama, ayon sa QA, ay opening at closing spiel. Lahat sablay na.

8. Sa lahat ng buttons ng Avaya, Auto in ang pinaka mahirap pindutin, parang may kung anong pwersa na pumipigil, parang invisible force field, samantalang Log Out naman ang bestfriend ng iyong daliri. Lagi rin itong “aksidenteng” napipindot.

9. Nakatangap kana ng perfect csat survey kahit hindi para saiyo (sabi nung customer , napaka helful daw ni Jenny. E Brando ang pangalan mo sa phone). Pero nakareceive ka na din ng Dissat kahit resolved ang issue.

10. Speaking of, kung parang generic name ng gamot ang pangalan mo, walang problema yan, dahil legal ang pag gamit ng phone name o alias. Halimbawa, sa totoong buhay, ang pangalan mo ay Godofredo, sa industriyang ito, ayos lang na mag opening spiel ka ng “Thank you for calling, my name is Summer”.

11. Naisipan mo nang mag-amok at sindihan ang smoke detector para magpaulan ng tubig ang mga sprinkler, tuwing queuing.

12. May kakilala kang bigla-bigla nalang nagwawala, hinahagis ang headset, hinahambalos ang kanyang mug, dinudurog ang avaya sa pamamagitan ng paghampas ng keyboard, dahil hindi alam ng customer kung nasaan ang “start” button.

13. Yung TL mo bigla nalang nagkakaroon ng meeting, pag nakita ka niyang papalapit, sa pag aakalang Sup Call na naman ito.

14. Kung may Teachers Pet, meron ding TL’s Annoying Monkey. Siya yung team mate mo na laging ume-epal at kadikit lagi ng team leader nyo. Madalas siyang taga-report ng mga late o overbreak. Lagi din siyang humihirit ng mga helpful tips pag team meeting. Sarap lagyan ng tattoo sa noo na “Wala akong pakialam”. Joke lang.

15. Dahil immersed tayo sa konsepto ng tamang “customer service”, madalas kang mag-amok sa mga fast food chain kapag pakiramdam mo ay “youre not getting your money’s worth”. “Ano to!! Sabi ko LEG part.. Bakit tuyong BREAST ang binigay mo sakin? Tawagin mo ang manager!!!”.

16. Meron ka o dumating sa buhay mo ang point kung saan nag-apply ka ng credit card.

17. May kakilala kang ayaw tumigil kaka-english kahit sa mga pampublikong lugar o PUVs pero parang tanga na kating-kati mag Tagalog sa mga English Only Zone ng opisina.

18. Mahirap umisip ng dahilan kapag na late ka. Dahil walang trapik at imposibleng umattend ka ng PTA meeting ng anak mo, pag alas dos ng madaling araw.

19. May team mate kang aligaga sa buhay at walang ibang nais na i-suggest kundi ang mag team building kayo. “TL: Guys, ano bang magandang action plan para bumaba ang AHT ng team? SIYA: Team building tayo!!”

20. Mas maangas pa sa CEO ng kumpanya kung umasta ang mga security guard. Nagulantang ako dati nang minsan kong tanungin si Manong Guard ng “Saan po dito yung testing area?”, sabay sagot ng “Im sorry, but you must be aware that this is an *English Only* zone”. Muntik nakong sumuka ng dugo.

21. Bukod sa crush mo, isa sa napaka konting bagay na nagpapangiti sayo tuwing shift ay mga “Ghost Calls”. Kung saan para kang tanga na uulit-ulitin ang opening line, dahil SOP ito.

22. Naranasan mo nang sapilitang tumawa dahil TL, OM o Shift manager ang nag-joke nung nakasabay mo siya sa elevator, kahit na sabaw ang kanyang sense of humor.

TL: Anong hayop ang magaling mag karate? Ikaw: Bwahahahaha!! (halos masuka ka na sa pag-papangap) Ano boss? TL: E di.. TILAP-YAHHH!! Ikaw: Nyahahahaha!! (gusto mo nang ipitin ang ulo mo sa pinto ng elevator) Nice one!!

23. Pinasok mo ang industriyang ito kalakip ang pag-asa ng mabilis na promotion. Oo, nasa performance mo nakabase ito, pero umamin ka. Pagkatapos ng unang 6 na buwan, narealize mo na mailap ito parang Halley’s comet.

24. Naranasan mo na ang sumakay sa isang PUV after shift, kung saan, ikaw lang ang stressed ang aura, amoy yosi, amoy alak, samantalang lahat ng ibang pasahero ay preskong-presko, mga amoy downy at blooming dahil papasok palang sila.

25. Sa pag-aakalang napindot mo ang mute, nag-tatatalak ka ng tagalog habang may call. Huli mo nang nalaman na naririnig ka ng customer sabay tanong ng “Im sorry, what?”. Pero dahil maparaan ka, sinagot mo siya ng “oh.. that was a secret passage, written in the language of Mordor, that must be uttered to hasten your dwindling internet speed..”.

26. Naranasan mo nang mag-google ng mga sakit na pwede mong idahilan kapag tatawag ka sa sick hotline niyo. Mas “uncommon”, mas maganda. Dapat binubuo ito ng 3 o higit pang medical terms.

27. Poker face lagi ang company nurse o physician. Hindi sila madaling mapaniwala sa mga nagsasakit-sakitan. Sanay na sila dyan. Lumang tugtugin kung baga. Pauuwiin ka lang kung naisuka mo na ang iyong baga o kulay violet na ang iyong buong katawan.

28. Nakauwi na ang lahat subalit naiwan ka parin sa floor dahil sa customer mong isang oras na nagpapaturo, pero hindi parin magets, ang sayantipikong proseso ng pag “copy+paste”.

29. Kung medyo sablay ang kumpanya, naranasan mo na din ang “hot seating”. Ito yung mala-espanyang pagsakop sa work station mo ng kung sinong Lucifer, kung offline ang iyong phone status. Hindi epektibo ang pag-iiwan ng gamit, pagpapaskil ng iyong larawan sa monitor o paglalagay ng note na “Ang kumuha ng station na to, tutubuan ng pigsa sa gilagid”.

30. Di tulad ng ibang propesyon, hindi big deal dito ang AWOL.

Boy A: Asan na si Jayson? Boy B: Nag AWOL na. Boy A: Ah ok. Anong ulam sa pantry?

31. Ikaw o may kakilala kang buong angas kung maglakad sa recruitment area kapag merong mga bagong aplikante. Minsan doon pa mismo tatambay kapag break para ipangalandakan na empleyado na siya. Mas mabisa din kung paiikutin mo ang iyong ID sa leeg na parang hulahoop.

32. Napa-upo kana sa isang work station na puno ng kapalpakan. Kumukurap ang monitor. Mga duro-durog na chichirya ang nakasingit sa pagitan ng mga keys ng keyboard. Yung headset naman, its either mahina, di ka marinig ng customer o nababalot ng sang katutak na scotch tape. Parang embalido lang.

33. Nakakita kana ng isang kumag na pasiklab kung magtype ng password sa mga system tools niyo. Ambilis ng pindot sa keyboard, tulad ng napapanood mo sa mga sci-fi movies. Pero madalas, password incorrect. Maya-maya, mapapansin mo na isa isa nalang ang pag press niya ng mga letter. Kinain ang pride. Busog.

34. Automatic na lumalabas sa bibig mo ang mga phrases na nagpapakita ng sympathy sa customer, kahit na sa totoong buhay e wala ka namang pakialam kung dumadaan siya sa matinding pagsubok gaya ng pagbagal ng internet connection o pagkalimot ng email password.

CX: Bear with me, im such an idiot when it comes to tech stuff. You: Its ok maam. And im sorry that you’re an idiot.

35. Halos araw-araw kang makakarinig ng mga istorya tungkol sa isang bagong kumpanya na mas malaki ang sahod, mas magandang management at mas magandang facilities. “Balita ko nga eh, may swimming pool sa ops area nila, at may libre na isang kilong ubas tuwing pasko”.

36. Aminin mo man o hindi, namangha ka din sa pintuan ng opisina na kelangan pang i-swipe ang ID mo para bumukas. “Ay pota.. Magic!!!”.

37. Dahil graveyard shift, hindi rin mawawala ang mga kwentong kababalaghan sa callcenter industry. Kesyo dati daw sementeryo ang site na yun o may namatay nang agent sa opisina niyo dahil aksidente daw nyang nakain ang Avaya at nabulunan.

Ikaw: TL, Biglang na-drop yung call!! May multo!!!”. TL: Ulol.

38. Meron kang souvenir mula sa kumpanyang balak ata i-declare na “critical working day” ang bawat petsa sa kalendaryo. Maaaring mug na may logo ng company. Ballpen na may logo ng company. Payong na may logo ng company. Burial plan with complimentary lapida na may logo ng company.

39. Hindi rin mawawala ang love team. Naks. Tamis sa gitna ng masalimuot na mundo ng queuing. Sabagay, mahirap din naman kasi ang magkaroon ng matinong relasyon kung hindi callcenter agent ang jowawers mo. Tipong tinext mo, pero tulog siya. Mga 8 oras na ang nakalipas bago pa siya makareply. Tapos, ikaw naman ang tulog. Vicious cycle.

40. Langit ang training phase. Petiks mode. Buddy up lang lagi. Kaso simula na ng impyerno mo paglampas ng nesting.

Taliwas sa pinagsasabi ng mga ignoranteng taong tabon, na hindi kailangan ng utak para makapag trabaho sa isang callcenter, tagisan dito ng talino (kung paano mare-resolve ang issue), abilidad (na magtransfer), creativity (pagiimbento ng dahilan kung bakit dapat niyang sisihin ang kanyang anti virus software) at lakas ng loob (sikmurain ang mga ingles na mura na kadalasan mo lang maririnig sa mga hollywood movies o kanta ni Kanye West).

Karamihan sa kakilala kong matatalino, puno ng sense at mababait (kung team mate kita dati, nabasa mo naman siguro ang mga papuring ito, kailangan ko ng dalawang daang piso, baka meron ka diyan) ay nakasalamuha ko sa nasabing industriya. At kahit kelan, di ko malilimutan ang pagkakaibigan at mga karanasan ko mula dito.

Thank you for calling, to which department would you like to be transferred?