Wednesday, March 8, 2017

KAPIT LANG...

Nakakapagod...totoo. Pero di ka pwede sumuko dahil maraming umaasa sa'yo...nagtitiwala. Di tulad nung bata ka pa na lahat ng bagay ay laro at pwede kang mag-"taym pers" (time first) at ititigil ang lahat. Ngayon, pag sinimulan mo, kailangan tapusin mo. Tatapusin mo na walang madedehado...tatapusin mo na lahat panalo. Masakit lang kasi madami kang sakripisyo: oras mo, pamilya mo, sarili mo. Minsan pag di ka pa maingat, pati kalusugan mo damay. Oo, nakakapagod...nakakapanghina. Pero pag naramdaman mo naman ang suporta ng mga taong nasa likod mo, niyayakap ng pamilya mo ang pinagkaka-abalahan mo, at nirirespeto at hinahangaan ka ng mga kliyente at ka-trabaho mo, oo, NAKAKAPAGOD pero SULIT, hindi ba?!
Wag ka lang SUSUKO, wag panghihinaan ng loob, wag mababagabag.kasi pagkatapos ng bente-kwatro oras, ay isang buong araw na naman ang haharapin mo....panibagong lakas, panibagong talino, panibagong buhay. Hindi aksidente na nandyan ka sa katayuan na yan, sa kompanya na yan at sa posisyon na yan kung di ka DAPAT dyan. At lalo pa, wala ka dyan kung di mo TADHANA na panghawakan yan. Inihanda ka...pinili...pinagkatiwalaan. Sa'yong balikat iniatang yan kasi para sa'yo yan. Inilaan yan ng Poon sa'yo dahil alam nya na kaya mo....na panahon na para kayanin mo.
Natatandaan mo ba nung panahong lahat ay nagdiriwang ng kanilang kalayaan bilang bata samantalang ikaw ay pilit mong ipinaintindi sa sarili mo na wala kang karapatan na gawin yun sapagkat panganay ka at kailangan mong yakapin ang resposibilidad na iniatang sa balikat mo bilang tagapagmana ng lahat ng kakulangan ng iyong ama. At kaakibat pa nun ang mga impit na iyak mo habang itinatago ang bawat latay ng kanyang kamay o di kaya ng kanyang sinturon at sinelas na pinapaalalahanan ka na muli't-muli silang dadampi sa iyo sa bawat pagkakamali mo at kung malilimutan mo ang salita niya na dumadagundong at parating bumabasag ng katahimikan ng musmos mong mundo.
Oo, lumaki ka nga at nagbinata ngunit tila walang nagbago. Muntik-muntikan ka pang di makatungtong ng kolehiyo dahil sabi ng ama mo tumigil ka muna at bigyan mo ng pagkakataong mag-aral ang mga kapatid mo dahil kulang daw . Hindi ba na sa kagustuhan mong mag-aral eh kailangan ka pang mamalimos sa mga Heswita ng pangtustos? 
Nakapag-trabaho ka nga matapos ng bokasyonal mong kurso ngunit ilang taon ka din naging sunud-sunuran, dinaan-daanan, binalewala, minaliit....hindi dahil sa iyong kakayahan kundi dahil lamang sa antas ng edukasyon na iyong naabot na ang tunay na kadahilanan ay nakatago sa isang pagsasakripisyo para ikabubuti ng iyong mga kapatid na ngayon ay may mabubuti nang buhay dahil sa pagpaparaya mo. Gayunpaman, di mo yun inalintana bagkus ikinaligaya pa. Wala yun sa'yo kasi ginawa mo yun dahil gusto mo...dahil di ka pumayag na mauuna kang umangat at maiiwan sila. Ngayon na panahon mo na upang lumipad at tahakin ang langit ng tagumpay, may kalaban ka pa rin: ang hangin -- hangin ng pagsubok at pagbabago, pag-ulan ng puna at batikos, at maaring lamig na madarama mo sa mga taong maiinggit sa ngayo'y naabot mo.
Maging MATATAG ka, kaibigan. Kung alam mo na wala kang tinapakan sa paglipad mo, itutok mo ang tingin mo sa ulap na aabutin mo. Iwasiwas ang iyong bagwis na may pagmamalaki at itulak ang sarili patungo sa himpapawid ng iyong mga pangarap. Ikaw lang ang may taglay ng kapangyarihan na isakatuparan ang iyong mga samo't dasalin. Dahil nasa iyong isip and determinasyon, nasa iyong puso ang katatagan at nasa iyong kamay ang buhay mo't kinabukasan. Sa patnubay ng Poong Maykapal, lahat ay iyong magagampanan.
Nakakapagod. Oo. Pero makikita mo na sulit lahat ng ito. Kapit lang, kaibigan....KAPIT LANG.


Monday, January 23, 2017

"Mga Bubog ng Alaala"

Halos dalawang oras ka nang nakatitig sa 
kawalan. Hindi pala madaling simulan ang 
isang artikulong tungkol sa wakas.
Saan ka nga ba maaaring magsimula?

Sa simula? Naaalala mo pa ba ang simula? 
Hindi na. Gaano man kahiwaga, ang simula ay 
nalilimot, nawawalan ng saysay dahil sa napipintong
katapusan. Makabubuti lamang ang pag-uungkat
sa nakaraan kung may bukas na yayapos sa iyo 
upang pawiin ang pangamba. Dahil kung wala, ang 
tanging magagawa ng simula ay ipaalala ang simula 
ng wakas.

Simulan mo kaya sa dahilan? Hindi rin pwede. 
Ang pinanghahawakan mo lang ay ang sino, ano, 
saan at kailan. Sadyang mailap ang bakit; may mga 
bagay na habang pilit iniintindi ay lalong nagiging
mahirap maunawaan. O baka naman nasa 
harap mo na ang sagot. Ayaw mo lang itong 
paniwalaan kaya’t pilit mong isinasantabi ang tanong na 
bumabagabag sa iyo. Hindi mo masisisi ang iyong sarili.
Mahirap tanggapin na ang mga katotohanang
nagpasaya sa mga araw mo ay maglalaho.

Kung gayon, bakit hindi mo simulan sa ulan? 
Sa ulang hindi mo naman hiniling at dumating 
sa panahong hindi mo inaasahan. Sa ulang 
nagpakita sa iyong maaari kang tumingala sa langit at
tumayo sa gitna ng kalsada, habang 
nilulunod ng mga patak ng tubig ang iyong kasuotan at 
mga gamit.

Tama. Sa ulan. Binago ka ng ulan.

Itinuro sa iyo ng ulan na ang mga tao sa 
buhay mo ay darating at aalis kung kailan nila gusto. 
Wala kang magagawa. Hindi mo sila mapipilit na
manatili. Hindi mo sila mapipigilang lumisan.
Titila ang bawat ulan. Hindi nito sasabihin 
kung kailan, pero mararamdaman mo ang 
paglumanay ng hangin at ang paghawi ng mga ulap.


Ang maiiwan ay ikaw… at isang puwang.

Ang pangungulila ay hindi nag-uugat sa 
paglisan, kundi sa pamamaalam. 
Ang isang taong pinahahalagahan 
mo ay maaaring magpaalam nang 
hindi umaalis, subalit maaari rin siyang 
umalis nang hindi nagpapaalam. 
Paunti-unti. Dahan-dahan. 
Patuloy ang pagtakbo ng buhay sa kanya, 
habang sa iyo, dumarating sa bawat araw ang
kapiraso ng wakas.

Minsan tuloy, naiisip mong mas maigi pang 
matapos na lang ang lahat sa simula. 
Nang sa gayon,walang pinagkatagu-tagong 
text message na kailangang 
burahin, walang mga sandaling 
dapat ibaon sa limot at walang puwang na 
palalalimin ng pangungulila.

Nakakapagod maghintay kung kailan muling
mapupunan ang puwang na tanging ikaw 
ang nakadarama. Mas madali itong pag-ipunan 
ng galit at pagkamuhi.

Pero hindi mo gagawin iyon. Hahayaan mo 
lang na dumaloy sa iyong pisngi ang mga luha at 
kahuli-hulihang patak ng ulan. Alinman ang unang 
maubos, ikaw ay patuloy na tatayo sa gitna ng daan.


Maghihintay. Aasa.

Dahil kahit maging balewala ka na sa isang 
tao, mananatili siyang importante sa iyo…






























Adapted (From A Girl Named Condiang)