Halos dalawang oras ka nang nakatitig sa
kawalan. Hindi pala madaling simulan ang
isang artikulong tungkol sa wakas.
Saan ka nga ba maaaring magsimula?
Sa simula? Naaalala mo pa ba ang simula?
Hindi na. Gaano man kahiwaga, ang simula ay
nalilimot, nawawalan ng saysay dahil sa napipintong
katapusan. Makabubuti lamang ang pag-uungkat
sa nakaraan kung may bukas na yayapos sa iyo
upang pawiin ang pangamba. Dahil kung wala, ang
tanging magagawa ng simula ay ipaalala ang simula
ng wakas.
Simulan mo kaya sa dahilan? Hindi rin pwede.
Ang pinanghahawakan mo lang ay ang sino, ano,
saan at kailan. Sadyang mailap ang bakit; may mga
bagay na habang pilit iniintindi ay lalong nagiging
mahirap maunawaan. O baka naman nasa
harap mo na ang sagot. Ayaw mo lang itong
paniwalaan kaya’t pilit mong isinasantabi ang tanong na
bumabagabag sa iyo. Hindi mo masisisi ang iyong sarili.
Mahirap tanggapin na ang mga katotohanang
nagpasaya sa mga araw mo ay maglalaho.
Kung gayon, bakit hindi mo simulan sa ulan?
Sa ulang hindi mo naman hiniling at dumating
sa panahong hindi mo inaasahan. Sa ulang
nagpakita sa iyong maaari kang tumingala sa langit at
tumayo sa gitna ng kalsada, habang
nilulunod ng mga patak ng tubig ang iyong kasuotan at
mga gamit.
Tama. Sa ulan. Binago ka ng ulan.
Itinuro sa iyo ng ulan na ang mga tao sa
buhay mo ay darating at aalis kung kailan nila gusto.
Wala kang magagawa. Hindi mo sila mapipilit na
manatili. Hindi mo sila mapipigilang lumisan.
Titila ang bawat ulan. Hindi nito sasabihin
kung kailan, pero mararamdaman mo ang
paglumanay ng hangin at ang paghawi ng mga ulap.
Ang maiiwan ay ikaw… at isang puwang.
Ang pangungulila ay hindi nag-uugat sa
paglisan, kundi sa pamamaalam.
Ang isang taong pinahahalagahan
mo ay maaaring magpaalam nang
hindi umaalis, subalit maaari rin siyang
umalis nang hindi nagpapaalam.
Paunti-unti. Dahan-dahan.
Patuloy ang pagtakbo ng buhay sa kanya,
habang sa iyo, dumarating sa bawat araw ang
kapiraso ng wakas.
Minsan tuloy, naiisip mong mas maigi pang
matapos na lang ang lahat sa simula.
Nang sa gayon,walang pinagkatagu-tagong
text message na kailangang
burahin, walang mga sandaling
dapat ibaon sa limot at walang puwang na
palalalimin ng pangungulila.
Nakakapagod maghintay kung kailan muling
mapupunan ang puwang na tanging ikaw
ang nakadarama. Mas madali itong pag-ipunan
ng galit at pagkamuhi.
Pero hindi mo gagawin iyon. Hahayaan mo
lang na dumaloy sa iyong pisngi ang mga luha at
kahuli-hulihang patak ng ulan. Alinman ang unang
maubos, ikaw ay patuloy na tatayo sa gitna ng daan.
Maghihintay. Aasa.
Dahil kahit maging balewala ka na sa isang
tao, mananatili siyang importante sa iyo…
Adapted (From A Girl Named Condiang)